2 positibong kaso ng COVID sa PNP, kinumpirma ng PNP Health Service 
By Leo Sarne - March 26, 2020 , 7:18 am

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Health Service na may dalawang positibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga aktibong pulis.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, base ito sa mga resulta na inilabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kahapon, March 25.

Sinabi ni Banac na ang una ay isang 32-taong gulang na pulis na naka-assign sa Metro Manila na sinuri noong March 17, at ang pangalawa ay isang 52-taong gulang na pulis na naka-assign sa Laguna.

Ang dalawa aniya ay nasa home isolation at mino-monitor ng PNP Health Service.

Nilinaw naman ni Banac na itinuturing pa ring patient under investigation o PIU ang pulis ng PNP Chaplain Service na unang iniulat ng PNP General Hospital na nag-postibo sa COVID-19 test.

Magugunitang sinabi kahapon ni Police Major Duds Santos, COVID-19 point person ng PNP-GH, na positibo sa kanilang COVID test ang naturang miyembro ng chaplain service, na kasalukuyang nagpapagaling sa St. Luke’s Medikal Center sa Taguig.

Paliwanag naman ni Banac, kailangan munang kumpirmahin ng RITM ang resulta ng test ng PNPGH bago opisyal na ideklara ang pasyente bilang kaso ng COVID-19.

YOU MIGHT ALSO LIKE