!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
4 o 5 testigo, inaasahang haharap sa pagdinig ng Senado mamaya kaugnay sa mga anomalya sa BuCor
By Nimfa Mae Asuncion - September 12, 2019 , 7:13 am

Mas maraming testigo pa ang inaasahang haharap ngayong araw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at sa iba pang anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, apat hanggang limang subpoena para sa mga bagong testigo ang pinirmahan niya.

Ang isa sa mga ito ay nakausap na ng mga senador kahapon at sa Senado na rin nagpalipas ng gabi.

Umaasa si Sotto na ilalahad ng mga ito ang lahat ng nangyari sa BuCor mula noon hanggang ngayon at kung ano ang maaari nilang gawin para maayos ang penitentiary system ng bansa.

Bukod sa mga testigo, nasa kustodiya na rin ng Senado ang cellphone ng dalawang BuCor officials na isinasangkot sa ‘GCTA for sale’.

Inatasan na ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon ang National Bureau of Investigation (NBI) na bawiin ang mga binurang text messages at call logs mula sa cellphone nina Sr. Insp. Maria Belinda Bansil at Sgt. Veronica Buño.

Ito ay upang matiyak na totoo ang testimonya ng testigong si Yolanda Camilon na ang dalawang opisyal ang kanyang katransaksyon sa pagbabayad kapalit ang kalayaan ng kanyang kinakasamang inmate.

Sinabi naman ni Senate President Sotto na hawak na rin nila ang cellphone number ng indibidwal na nagpaalam sa asawa ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na si Elvira Sanchez na makakalaya na ang dating alkalde.

Nakikipagtulungan rin aniya sa kanila ang Department of Information and Technology (DICT) para dito.

YOU MIGHT ALSO LIKE