QC Protection Center, binuksan dahil sa paglobo ng domestic violence
By Michael Rogas - May 26, 2020 , 11:46 am

Muling binuksan ng Quezon City government ang protection center nito, dahil sa patuloy na pagdami ng mga domestic violence incident sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang QC Protection Center (QCPC), seserbisyuhan ang mga walk-in client na nagsimula ngayong araw, lalo na ang mga kababaihan, mga bata, LGBT o lesbian, gay, bisexual, and transgender na nakaranas ng karahasan.

Ang nasabing tanggapan ay matatagpuan malapit sa Quezon City General Hospital compound, sa Barangay Bahay Toro, na pansamantalang isinara ng local government dahil sa COVID-19 pandemic.

Samantala, tuloy pa rin daw ang pagtanggap nila ng mga reklamo sa pamamagitan ng  e-mail na quezoncityprotectioncenter@gmail.com, gayundin sa social media account at Hotline 122 para sa agarang aksyon.

Sinabi ni Belmonte, ang desisyon niyang muling buksan ang protection center, ay dahil sa mga ulat na umabot sa 602 na insidente o average na walo kada araw ang naabuso mula March 17 hanggang May 23.

Ang QCPC ay unang naitayo noong bise alkalde pa lang si Belmonte, sa pamamagitan ng City Ordinance No SP-2191 ng taong 2012.

Ito ay nagbibigay ng free legal, medical at psychological assistance para sa mga biktima ng domestic abuse at sexual harassment.

YOU MIGHT ALSO LIKE