Maayos na flood control at ecological solid waste management, dapat tutukan ng LGUs
By Kathleen Jean Forbes - November 21, 2020 , 7:47 am

Epektibong flood control management, ecological solid waste management, at localized early warning systems ang dapat tutukan ng mga national at local government ayon kay Deputy Speaker Loren Legarda upang maiwasan na ang matinding pagbaha sa Metro Manila at sa mga mababang lugar sa bansa.
 
Pagbibigay-diin ng kinatawan, karamihan sa mga impacts ng climate change ay maaaring maiwasan tulad ng pagbaha dahil may mga mekanismo namang maaaring ilatag tulad ng dams, dikes, at drainage systems.
 
Puna nito, ang hindi maayos na drainage system, kawalan ng tamang garbage disposal, pagtira sa mga gilid ng waterways bunsod ng urban congestion ang ilan sa mga nagpapalala ng epekto ng pagbaha.
 
Ang mga basura kasi mula sa mga tao ang siyang nagbabara sa mga daanan ng tubig papasok sa mga pumping stations kaya tumitindi na ang pagtaas ng tubig tuwing may bagyo.
 
Kasabay nito ay umapela din ang mambabatas sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na regular na linisin ang mga kanal at drains gayundin ay nanawagan ito sa pamahalaan na paigtingin pa ang mga flood mitigation projects tulad ng river dredging, dike construction, at tree planting.

YOU MIGHT ALSO LIKE