7 illegal e-sabong websites, ipinatigil ang operasyon habang ang iba pa ay patuloy na iniimbestigahan
By Diane Lear - May 25, 2022 , 10:15 pm

Iniulat ng Department of the Interior and Local Government na pitong operasyon ng iligal na e-sabong websites ang ipinasara. 

Kasunod ito ng direktiba ni Interior Secretary Eduardo Año na ipasara ang mga iligal na operasyon ng e-sabong websites. 

Ayon kay Interior Usec. at Spokesperson Jonathan Malaya, kasalukuyang iniimbestigahan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang mga administrator ng pitong websites upang makapagsampa ng kaso sa mga responsableng indibidwal. 

Ani Malaya, ang PNP ay nagsasagawa ng cyberpatrolling operations upang hanapin ang mga website, applications, at social media platforms na nagsasagawa ng iligal na operasyon sa kabila ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng e-sabong. 

Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na rin ang PNP Anti-Cybercrime Group sa Department of Information and Communication Technology matapos may na-monitor na 12 websites at walong social media platforms ang nag-ooperate umano ng iligal na e-sabong. 

Sa nasabing 12 websites, dalawa lamang dito ang naka-rehistro sa Pilipinas at ang iba ay nasa ibang bansa. 

Nakikipag-ugnayan na rin ang DILG sa Meta ang parent company ng Facebook para mabura at masuspinde ang mga FB pages na nagsasagawa ng e-sabong. 

Gayundin, humingi na ng tulong ang DILG sa Globe dahil nagagamit ang kanilang platform na GCash na mode of payment sa ilegal na e-sabong.

YOU MIGHT ALSO LIKE