78% ng tauhan ng PNP, pabor na magpabakuna — Eleazar
By Leo Sarne - March 5, 2021 , 3:32 pm

Tumaas sa 78 porsyento ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang pumapayag na magpabakuna.

Ito ang iniulat ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, sa ika-limang araw ng vaccination campaign ng PNP.

Ito ay bahagyang tumaas mula sa 72 porsyento nang magsimula ang pagbabakuna ng PNP ng kanilang health workers noong Lunes, at 70 porsyento noong nakaraang linggo.

Unang sinabi ni Eleazar na magtutuloy-tuloy ang kanilang information campaign sa kanilang mga tauhan upang mas marami pa ang makumbinsi na magpabakuna.

Magugunitang unang nagsagawa ng survey noong Pebrero ang PNP sa pamamagitan ng kanilang COVID-19 Data App (CODA) ay humigit kumulang 50 porsyento lang ng kanilang mga tauhan ang pabor na magpabakuna.

Samantala, sinabi ni Eleazar na dumating ang karagdagang alokasyon ng PNP na 400 doses ng Sinovac vaccine kamakalawa, kaya naitaas nila ang kanilang target na mabakunahan sa 1,200 nilang health workers, mula sa orihinal na 800 lang.

YOU MIGHT ALSO LIKE