!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Alegasyon ng overpriced PPEs na nabili ng DOH, dapat imbestigahan
By Nimfa Asuncion - April 1, 2020 , 10:46 pm

Dapat pa ring rebyuhin ng Joint Oversight Committee ng Kongreso ang diumano’y overpriced na personal protective equipment (PPEs) na binili ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, maaaring hingan ng kumpletong report ang DOH tungkol dito.

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva, bagama’t maaaring ikonsidera ang pagtaas ng global demand sa PPEs sa pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, ay dapat pa ring silipin ng oversight committee ang isyu.

Aniya, kailangang tiyakin ng Kongreso na resonable ang presyong nakuha ng DOH.

Samantala, para naman kay Senador Panfilo Lacson, kung mapapatunayang mayroon nang korapsyon na nangyari at pinabayaan lamang ito ng mga namumuno sa naturang ahensya ay hindi ito papalagpasin ng Kongreso at maging ng sambayanang Pilipino.

Matatandaang una nang sinabi ni Senadora Grace Poe na masyadong mahal ang nabiling isang milyong piraso ng PPE ng DOH na nagkakahalaga ng kabuuang Php 1.8 billion.

Sinabi ng Senadora, dapat sana ay nasa Php 400 million to Php 700 million lamang ang nagastos ng ating gobyerno sa mga PPE kung ang pagbabasehan ay ang Php 400-700 per set na presyo nito sa merkado.

Inabisuhan na rin aniya ni Senate President Sotto si Senadora Grace Poe na isama ang kanyang alegasyon sa isususmite niyang report

YOU MIGHT ALSO LIKE