Bagong COVID-19 test facility ng PNP, pinasinayaan ni PNP Chief Gamboa
By Leo Sarne - May 26, 2020 , 11:31 am

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang pagpapasinaya sa bagong COVID-19 testing facility ng PNP sa Crime Laboratory, sa Camp Crame ngayong umaga.

Ito ay matapos na matanggap ng PNP molecular lab ang sertipikasyon mula sa Research Institute for Tropical medicine (RITM), at license to operate mula sa Department of Health (DOH).

Kasabay nito, inilunsad din ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang kanilang mobile swabbing truck na magsasagawa ng swabbing sa field, at dadalhin na lang ang mga sample sa molecular lab para sa testing.

Paliwanag ni Gamboa, mas convenient ito para sa mga pulis na kailangang i-test, dahil hindi na nila kailangang pumunta sa Camp Crame para sa swabbing.

Ayon kay Gamboa, may kakayahan sila na mag-test ng aabot sa 150 indibidwal bawat araw, kung saan inisyal na magiging prayoridad ang mga pulis at kanilang mga dependent.

Sinabi naman ni PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force Commander Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan, na pansamantala lang ang covid testing facility sa Crime Lab, at ililipat ito sa gagawing permanenteng 85 metro kwadradong pasilidad sa likod ng gusali ng PNP Health Service.

YOU MIGHT ALSO LIKE