Bagong strain ng COVID-19 na unang naitala sa UK, na-detect na sa Pilipinas
By Racquel Bayan - January 13, 2021 , 11:54 pm

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na na-detect na sa bansa ang bagong strain ng COVID-19 na unang naitala sa United Kingdom.

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nakita ang bagong strain ng COVID-19 sa isang 29 taong gulang na lalaking pasyente na residente ng Quezon City.

Base aniya sa ginawang contact tracing ng pamahalaan, tumungo ang pasyenteng ito sa Dubai noong December 27, 2020 para sa isang business meeting kasama ng kaniyang kasintahan.

Negatibo aniya ito noong umalis ng bansa.

Ika-7 ng Enero nang umuwi sa Pilipinas ang mga ito. Sumailalim itong muli sa swab test pagkalapag sa NAIA, at dito na nakita na nagpositibo na ito sa COVID-19, partikular ang B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant o ‘yung variant na unang naitala sa UK.

Ayon kay Secretary Duque, nagnegatibo naman sa COVID ang kasintahan nito, na mini-monitor pa rin sa kasalukuyan.

Sinabi rin ng kalihim na agad nagsagawa ng contact tracing ang pamahalaan, at ang mga initially identified contacts nito ay sumasailalim na sa strict home quarantine. Wala naman aniyang nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 sa kasalukuyan.

Tinutukoy na rin ang iba pang pasahero ng Emirates Flight No. EK 332 na kasabay ng pasyente pauwi ng Pilipinas at pinapayuhan ng DOH ang mga ito na makipagugnayan sa kanilang barangay health emergency response teams.

YOU MIGHT ALSO LIKE