Buo at ganap na immunity mula sa anumang kaso, hindi maaaring ibigay sa vaccine manufacturer
By Nimfa Mae Asuncion - February 26, 2021 , 7:59 pm

Sinuportahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na hindi maaring bigyan gobyerno ng blanket immunity ang mga COVID-19 vaccine manufacturer sakaling magresulta sa anumang injury ang pagtuturok ng kanilang bakuna.

Paliwanag ni Drilon, labag sa ating mga batas at public policy ang pagbibigay ng full immunity sa mga vaccine manufacturers. Iyan ay kahit pa may indemnification clause ang ipinasa nilang COVID-19 vaccination program bill.

Nilinaw ng senador na sa ilalim ng Senate bill 2057 o ang COVID-19 vaccination program bill, ibinibigay lang sa mga vaccine manufacturer ang immunity from suit kapag ang reklamo ay mula sa pagtanggap ng bakuna at hindi dahil sa willful misconduct o gross negligence.

Sinabi pa ng minority leader, na dati na ring naging justice secretary, sinumang makakatanggap ng COVID-19 vaccine ay maaaring magsampa ng claims for damages na bunga ng sadyang maling pag-uugali at malubhang kapabayaan ng vaccine manufacturer.

Bahagi aniya ito ng karapatan ng isang indibidwal na hindi maaaring balewalain ng pamahalaan.

YOU MIGHT ALSO LIKE