Con-Ass, hindi pa maaaring mabuo ngayong naka-break pa ang Kongreso
By Nimfa Mae Asuncion - January 14, 2021 , 11:41 pm

Kinontra ng mga senador ang pahayag ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Representative Alfredo Garbin Jr. na tumatayo na bilang constituent assembly (con-ass) ang kaniyang komite simula nang talakayin nila ang mga panukala para amyendahan ang ilang probisyon sa saligang batas.

Giit ni Senate President Vicente Sotto III, naka break pa ang Kongreso at magbubukas pa lamang sa Lunes.

Maaari lang aniyang masimulan ang con-ass kung ginawa ito sa plenaryo at binuo sa isang sesyon kaya naman maikokonsidera lang bilang isang committee hearing ang ginagawa ngayon ng mga kongresista.

Tanong tuloy ng senate president, bakit nagmamadali ang mga kongresista gayong pwede naman nila itong gawin sa plenaryo sa Lunes.

Sinabi rin ni Sotto na dapat munang siguruhin ng mga nais mag-amyenda sa Konstitusyon na alam nila ang rules at procedures para dito.

Sang-ayon naman sa punto ni sp Sotto sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senador Panfilo Lacson.

Dagdag pa ni Lacson, nakasaad sa isang probisyon ng Konstitusyon na ano mang pag-amyenda o pagbabago sa ating saligang batas ay maaaring ipanukala ng Kongreso at ang kongresong ito ay binubuo ng kapwa Senado at Kamara.

YOU MIGHT ALSO LIKE