COVID-19 vaccination program bill, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado
By Nimfa Mae Asuncion - February 23, 2021 , 10:24 pm

Sa botong 22 (pabor), 0 (tutol) at 0 (abstention), pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate bill 2057 o ang panukalang COVID-19 Vaccination Program Act.

Ang naturang panukala, na sertipikadong urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay komprehensibong panukalang batas kung paano isasagawa ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno; mula sa pagbili ng mga bakuna hanggang sa pamamahagi nito.

Oras na maisabatas, bukod sa national government ay bibigyan na rin ng awtoridad ang mga lokal na pamahalaan at ang pribadong sektor na makabili ng COVID-19 vaccine at iba pang kinakailangang supplies sa pamamahagi nito sa pamamaggitan ng isang multiparty agreement.

Maging ang mga humanitarian organizations, gaya ng Philippine Red Cross, ay papahintulutan ring makabili at tumulong sa pamamahagi ng bakuna.

Nakapaloob rin sa naturang panukala ang pagkakaroon ng isang indemnity fund o pondo para sa mga kababayan nating makakaranas ng adverse effect ng COVID-19 vaccine.

Kukunin ito sa kasalukuyang pondo ng Philhealth na dadagdagan ng P500 million mula sa Contigent fund ng 2021 national budget.

Imbes naman na COVID-19 vaccine passport, tatawagin nang vaccine cards ang dokumentong panghahawakan ng isang indibidwal bilang patunay na nakatanggap na siya ng COVID-19 vaccine.

Sinumang mamemeke nito ay kakasuhan ng falsification of public documents na may parusang nakasaad sa ating revised penal code (RPC).

Matapos aprubahan ay isusumite na ng Senado sa Kamara ang kopya ng aprubado nilang bersyon ng panukala at inaasahan namang wala na o magiging mabilis na lamang ang bicameral conference committee meeting para mapagkasundo ang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

YOU MIGHT ALSO LIKE