DepEd, hinikayat na mag set-up ng face-to-face classes trials
By Nimfa Mae Asuncion - February 26, 2021 , 7:18 pm

Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Department of Education (DepEd) na mag-set up ng mga laboratory schools na susubok sa kaligtasan ng limited face-to-face classes. 

Ayon kay Recto, mula sa teorya ay napapanahon nang umusad ang debate kung dapat na bang payagang buksan ang mga paaralan sa aktuwal na pagsubok nito. 

Hinikayat ng senador ang DepEd na makipagtulungan sa Department of Health (DOH), mga lokal na pamahalaan, local school boards at iba pang eksperto para makapagdisenyo ng classroom setting na ligtas para sa mga kabataan at mga guro. 

Aniya, maaaring simulan ang trial classes na mahigpit na imomonitor sa mga lugar na COVID-19-free na, gaya ng mga malalayong barangay at komunidad na hindi naman nakapagtala ng ni isang kaso ng COVID-19. 

Sinabi pa ng senador na upang mabigyan ng peace of mind ang mga makikilahok sa trials na ito, dapat tiyakin ng gobyerno na sasagutin nila ang pagpapa-ospital ng mga sasali bilang insurance. 

Nilinaw rin ni Recto na walang dapat maging pilitan at tanging ang mga magboboluntaryo lamang ang dapat isali sa face-to-face classes trials. 

YOU MIGHT ALSO LIKE