DFA, muling isusulong ang Code of Conduct sa South China Sea kahit may pandemya
By Hajji Kaamiño - September 16, 2020 , 2:36 pm

Inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na isusulong niya muli ang negosasyon para sa pagkakaroon ng Code of Conduct sa South China Sea sa kabila ng mga hamon dulot ng pandemya.

Ayon kay Locsin, bilang country coordinator ay itutulak niya na maipagpatuloy ang second draft at masimulan ang third draft bago maipasa sa Myanmar ang pagiging China coordinator.

Nakapaloob sa Code of Conduct ang hakbang ng mga bansa na pahihintulutan sa South China Sea.

Sa isang hiwalay na statement ay sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), na kasama ito sa mga isyung natalakay sa ASEAN-China Ministerial Meeting noong nakaraang linggo, na pinangunahan ni Locsin at Chinese counterpart Wang Yi.

Mahalaga aniya na bumalik sa negotiating table ang mga kinauukulan, para maipamalas sa buong mundo ang sinserong commitment na matapos na ang usapin.

Ipinunto ng kalihim, na dahil sa COVID-19 na nakaapekto sa mahigit dalawampu’t siyam na milyong tao ay naantala ang scheduled face-to-face meetings para sa Code of Conduct.

YOU MIGHT ALSO LIKE