DOH, dapat mas handa nang mapigilan ang pagkalat ng bagong COVID-19 variant
By Nimfa Mae Asuncion - January 15, 2021 , 12:11 am

Umaasa si Senadora Grace Poe na handa na ang Department of health (DOH) para mapigilan ang pagkalat sa bansa ng bagong variant ng COVID-19 mula sa bansang United Kingdom (UK) matapos makumpirma ang unang kaso nito dito sa Pilipinas.

Ayon kay Poe, dapat nang kumilos ng mabilis at maagap ang DOH para mapigilan ang panibago nanamang lockdown.

Giit ng senadora, tiniyak na ng Kongreso na magkakaroon ng budget sa taong ito para sa contact tracing, medical equipment at bakuna kontra COVID-19.

Kaya naman dapat aniya ay mas handa na ang DOH kumpara noong nakaraang taon.

Hinikayat rin ng senadora ang publiko na manatiling maingat, lalo na ang mga kailangang lumabas ng bahay para maghanapbuhay araw-araw sa kabila ng banta ng COVID-19.

Babala ni Poe, ang posibleng epekto ng UK COVID-19 variant na ito ay lalo lamang makakapagpahirap sa hirap na nating health facilities at ekonomiya.

Pero higit sa epekto sa ekonomiya, dapat na nating iwasan ang panibagong pagtaas ng mga COVID-19 cases upang hindi na rin dumami pa ang mga kababayan, kaibigan at kapamilya nating posibleng masawi dahil sa COVID-19 .

YOU MIGHT ALSO LIKE