DOH, iginiit na labag sa FDA Act ang pagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot
By Julius Gonzales - April 7, 2021 , 11:17 pm

Labag sa R.A. 9711 o FDA Act of 2009 ang pamamahagi at pagbebenta ng mga hindi rehistradong medical products katulad ng Ivermectin.

Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) sa gitna ng mainit na usapin sa paggamit ng Ivermectin laban sa COVID-19.

Sa ginanap na briefing, sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na kasama ang ilang health professionals at mga doktor na iligal na namamahagi o nagpo-promote ng mga hindi rehistradong Ivermectin ang lumalabag sa naturang batas.

Ani Vergeire, malinaw sa batas na ang mga hindi rehistradong gamot ay hindi pwedeng ipagamit.

May babala din ang DOH sa publiko na kapag hindi rehistrado ang gamot na bibilhin, ay hindi makatitiyak ang gobyerno na ang gamot ay ligtas at kayang protektahan ang sino man sa anumang sakit.

Kabilang sa mga nagsusulong sa pag-gamit ng Ivermectin laban sa COVID-19 ang ilang kongresista, dahil nasubukan na nila ito.

Nilinaw pa ni Vergeire na sa Pilipinas ay wala pang FDA approved Ivermectin for human consumption, o angkop para sa mga tao.

YOU MIGHT ALSO LIKE