Doktor na kinidnap ng ASG noong nakaraang buwan sa Sulu, nailigtas  
By Leo Sarne - March 26, 2020 , 7:04 am

Nailigtas ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army 1102nd infantry Brigade at Philippine National Police (PNP) ang isang doktor na dinukot noong nakaraang buwan ng Abu Sayyaf sa Sulu.

Sa ulat ni Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas, nabawi ng mga tropa si Dr. Daniel Moreno sa kagubatan ng Indanan Sulu bandang 7:30 ng gabi nitong Martes.

Ayon kay Col. Ignatius Patrimonio, commander ng 1102nd Brigade, inilunsad nila ang rescue operation para kay Dr. Moreno matapos na makatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen tungkol sa lokasyon ng biktima.

Nang matunugan ng mga kidnapper ang pagdating ng malaking pwersa ng pamahalaan, inabandona nila ang kanilang bihag na matagumpay na narekober ng mga tropa.

Matapos na marekober si Dr. Moreno, tinugis ng mga tropa ang nagsitakas na miyembro ng grupo ni ASG sub-leader @ Mundi Sawadyaan na humantong sa limang minutong bakbakan sa Brgy. Bangalan, Indanan.

Tiniyak naman ni Major General Corleto Vinluan, Joint Task Force Sulu commander, na determinado ang militar na mailigtas ang lahat ng nalalabing bihag ng ASG.

Sinabi naman ni Western Mindanao Command (WesMinCom) Commander Lt. General Cirilito Sobejana, na ang matagumpay na pagkakaligtas kay Dr. Moreno ay dahil sa walang humpay na operasyon ng militar kontra sa ASG at kooperasyon ng mga lokal na komunidad.

YOU MIGHT ALSO LIKE