DSWD, kumuha ng financial service providers para sa distribusyon ng 2nd tranche ng SAP
By Rey Ferrer - June 30, 2020 , 1:11 pm

Gagamitin na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang serbisyo ng iba’t ibang financial service providers para gawing digital payment ang pamamahagi sa ikalawang tranche ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Nilagdaan na ng DSWD ang isang memorandum of agreement sa mga participating FSPs, kasama ang Land Bank of the Philippines para isakatuparan ang inisyatiba.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, sa pamamagitan ng e-money accounts, mapapabilis ang disbursement ng SAP subsidy at maiiwasang magkumpol-kumpol ang mga benepisaryo para kuhanin ang kanilang ayuda.

Kabilang sa mga makakatuwang na financial service providers ay ang GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay at Unionbank.

Direktang ida-download ng LBP ang pondo sa mga FSPs at kailangang makuha ng mga beneficiaries sa loob ng 24-oras.

Isinasapinal na ng DSWD ang mga importanteng detalye sa gagawing proseso ng distribusyon ng LBP at mga participating FSPs.

Magsisimula na sa susunod na linggo ang digital payment ng 2nd tranche ng SAP.

YOU MIGHT ALSO LIKE