Forced power shutdown, ipinatupad sa dalawang bayan sa Batangas – NEA
By Rey Ferrer - January 14, 2020 , 9:44 pm

Tuluyan nang pinutol ang suplay ng kuryente sa dalawang bayan sa Batangas bilang bahagi ng safety measures habang patuloy ang pag aalburuto ng bulkang Taal.

Ayon sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Department ng National Electrification Administration (NEA), ipinatupad ang forced power shutdown ng Batangas I Electric Cooperative, Inc. (BATELEC I) sa bayan ng Agoncillo at San Nicolas.

Aabot sa 12,850 households ang apektado ng power shutdown.

Nawalan na rin ng kuryente ang Sta. Teresita at ilang bahagi ng Calaca at San Luis, dahil nag tripped off ang circuit feeder dahil sa makapal na ashfall.

Ayon naman sa Batangas II Electric Cooperative, Inc. (BATELEC II), nagkaroon na ng partial restoration ng supply ng kuryente sa Tanauan City.

Sa kabuuang 43,786 kabahayan sa Tanauan City na naapektuhan ng pagbagsak ng suplay ng kuryente, 45.65 percent o 19,989 households ang naibalik na ang kuryente.

Nasa 23,797 consumers pa ang nananatiling walang kuryente hanggang ngayon.

Ngayong araw, may 16,286 kabahayan pa sa munisipalidad ng Talisay at Laurel ang wala pa ring ilaw.

Habang ang power situation sa ibang munisipalidad ay nananatiling normal kabilang dito ang  Alitagtag, Balete, Cuenca, Lipa, Lobo, Mabini, Malvar, Mataas na Kahoy, Padre Garcia, Rosario, San Jose, San Juan, Taysan, at Tingloy.

YOU MIGHT ALSO LIKE