Hindi pagsama sa mga probinsya sa mga posibleng mabakunahan ng Pfizer COVID-19 vaccine, kinuwestiyon
By Nimfa Mae Asuncion - January 13, 2021 , 11:38 pm

Inalmahan ni Senadora Risa Hontiveros ang anunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi makakasama ang mga probinsya sa mababakunahan ng Pfizer COVID-19 vaccine sa ilalim ng ikakasang vaccination program ng pamahalaan.

Una na kasing ipinaliwnag ni Roque na hindi opsyon ang Pfizer, na may 90 percent efficacy rate, sa nga probinsya dahil sa kawalan ng ultra-cold storage facilities sa labas na Metro Manila na kailangan naman para sa pag-iimbak ng Pfizer vaccines.

Giit ni Hontiveros, nagbabayad rin ng buwis ang mga nasa probinsya kaya dapat all-in tayo sa pagsuporta sa kanila.

Para sa senadora, hindi katanggap-tanggap ang ibinigay na rason ng Malakanyang dahil hindi aniya dapat ipasa sa publiko ang isyu sa kawalan ng pasilidad para sa bakuna.

Dapat aniyang naisama na ito sa pagpaplano lalo’t alam naman ng gobyerno na kailangan nitong mag-diversify ng vaccines dahil sa limited global supply.

Dagdag pa nito, bagamat totoong naging epicenter ng pandemya ang mga mega cities sa Pilipinas, mayroon rin namang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa mga provicial cities.

Gaya na lang aniya sa Bacolod na naging virus hotspot matapos ang balik probisnya program ng gobyerno.

Plano ni Hontiveros na tanungin ang isyung ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senate committee of the whole sa Biyernes tungkol sa vaccination plan ng pamahalaan.

YOU MIGHT ALSO LIKE