Ilang pulong ni Pangulong Duterte, inirekomendang kanselahin muna sa gitna ng tumataas na COVID-19 cases sa bansa
By Racquel Bayan - April 7, 2021 , 7:50 pm

Walang direktang contact at hindi kabilang sa close-in security ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) na nag-positibo sa COVID-19.

Pahayag ito ni PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante III, kasunod na rin ng pagpapaliban sa nakatakdang Talk to the Nation ng pangulo ngayong gabi.

Ayon kay Gen. Durante, inirekomenda nila ang pagkansela sa ilang mga aktibidad o pulong ng pangulo, kabilang na ang public address nito, sa gitna na rin ng tumataas na kaso ng COVID sa bansa.

Makatitiyak aniya ang lahat na ligtas at nasa maayos na kalusugan si Pangulong Duterte, na kasalukuyang nananatili sa Malacañan.

Sa ngayon, nasa 45 ang COVID-19 active cases mula sa hanay ng PSG, kung saan karamihan sa mga ito ay nakatalaga o iyong mga nakabantay sa paligid ng Malacañan grounds.

Ayon kay Gen. Durante, sila sa PSG, sa pamamagitan ng kanilang Task Force COVID-19 at ng kanilang medical staff, ay patuloy na mina-manage ang COVID situation sa kanilang hanay, at tinitiyak na lahat ng COVID positive ay maku-kumpleto ang itinakdang quarantine protocols.

Hindi aniya maiiwasan na magkaroon sila ng exposure sa COVID-19 habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

“As the number of COVID-19 cases continue to rise in our country, the Presidential Security Group is not spared from the virus as our personnel continue to perform our mandate during presidential engagements and routine security operations. We protect our VIPs; guard the PSG compound, the residence and the whole Malacañang Complex 24/7, where civilian residents are also situated, thus, exposure to the virus is inevitable.” pahayag ni BGen. Durante.

Gayunpaman, mahigpit aniya nilang ipinatutupad ang mga safety protocols sa mga PSG personnel at dependents ng mga ito.

Magpapatuloy aniya sila sa paggampan ng kanilang tungkulin, sa kabila ng hamong dala ng COVID-19.

“Despite the challenges posed by the virus, PSG continues to perform its mandate. As earlier mentioned, we have established protocols to contain the spread of the virus and we will continue to enforce it so that the President is kept safe and secured from all forms of threats at all times.” pagtitiyak ni BGen. Durante.

YOU MIGHT ALSO LIKE