Ilang senador, duda pa rin sa Sinovac vaccine lalo na ngayong may kaso na ng COVID-19 UK variant sa Pilipinas
By Nimfa Mae Asuncion - January 14, 2021 , 11:49 pm

Duda pa rin ang mga senador sa efficacy ng COVID-19 vaccine ng Chinese private company na Sinovac.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ngayong mayroon nang kumpirmadong bagong COVID-19 UK variant dito sa Pilipinas ay hindi na sasapat ang bakuna na mayroon lamang 50 percent efficacy rate.

Nakakakaba aniya ito dahil ibig sabihin lang nito ay 50-50 rin ang tiyansa na makakuha pa rin ng COVID-19 sa ganitong efficacy rate.

Hindi aniya maunawaan ni Zubiri kung bakit natin iginigiit ang isang bakunang hindi pa nakakakumpleto ng phase 3 clinical trial ng World Health Organization (WHO).

Hinikayat naman ni Senador Francis Pangilinan ang pamahalaan na kanselahin na ang procurement natin ng Sinovac vaccine.

Ipinunto ni Pangilinan na sa ngayon ay hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Singapore ang Sinovac at binubusisi pa nila itong maigi.

Bagamat mayroon na aniya silang negosasyon ay hindi pa nila ito niroroll out.

Dagdag pa ng senador, bakit tayo gagastos para sa bakuna na may 50 percent efficacy rate kung mayroon namang ibang bakuna na mas mura at mas mataas pa ang efficacy rate.

YOU MIGHT ALSO LIKE