!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Isetann Mall, ipinasara ni Mayor Moreno
By Jesson Tamondong - October 9, 2019 , 4:26 pm

Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbibigay ng closure order sa Isetann Mall sa Recto matapos makitaan ng maraming paglabag.

Ayon kay Mayor Isko, nadiskubre nilang maraming city ordinances ang nilabag ng pamunuan ng Isetann mall, napag-alaman din na tahasang nanloko umano ang pamunuan ng mall upang maaprubahan ang ilang permit nito.

Base sa pag-iimbestiga ng Bureau of Permits, ang Tri-Union Properties Inc. na siyang owner ng nasabing mall ay nag-ooperate bilang lessor ng mall nang walang kaakibat na business permit.

Lumalabas din sa imbestigasyon, na nagkaroon ng misrepresentation sa actual business area na inooperate ng Tri Union. Kuwestyonable rin umano ang pagkakaroon lamang ng sampung empleyado ng Isetann para sa buong mall.

Nadiskubre din na ang Trans-Orient Management Services, Inc., na nagsisilbing service provider ng mall, ay wala ring business permit para sa taong 2019.

Wala ring business permit ang tatlo sa apat na sinehan sa loob ng nasabing mall na pinapatakbo ng Cineworld Cinema, Inc.

Kaugnay nito, ay nilinaw naman ni Mayor Isko na makakapag-operate muli ang Isetann mall kung susunod ito sa mga requirement na hinihingi ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Sa kabilang banda, naglabas ng statement ang pamunuan ng Isetann at iginigiit nilang meron silang business permit, at handa silang makipagtulungan sa awtoridad ukol sa mga nadiskubre ng Bureau of Permits ng Manila Local Government.

YOU MIGHT ALSO LIKE