Kuryente sa dalawang bayan ng Batangas, pinutol na bilang bahagi ng safety measures
By Rey Ferrer - January 14, 2020 , 8:29 pm

Tuluyan nang pinutol ang suplay ng kuryente sa dalawang bayan ng Batangas bilang bahagi ng safety measures habang patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Ayon sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management Council ng National Electrification Administration, ipinatupad ang forced power shutdown ng Batangas I Electric Cooperative, Inc. (BATELEC I) sa bayan ng Agoncillo at San Nicolas.

Abot sa 12,850 mga kabahayan ang apektado ng power shutdown.

Nawalan na rin ng kuryente ng Sta. Teresita at ilang bahagi ng Calaca at San Luis, dahil bumagsak ang circuit feeder sanhi ng makapal na ashfall.

Ayon naman sa Batangas II Electric Cooperative, Inc. (BATELEC II) magkakaroon na ng partial restoration ng suplay ng kuryente sa Tanauan City.

May kabuuang 43,786 mga bahay sa Tanauan City ang naapektuhan ng pagbagsak ng suplay ng kuryente, habang 45.65% o katumbas na 19,989 mga bahay ang naibalik na ang kuryente.

Nasa 23,797 na mga konsyumer naman ang nanatiling walang kuryente hanggang ngayon. Samantala, may 16,286 kabahayan pa sa munisipalidad ng Talisay at Laurel ang wala pa ring ilaw ngayong araw.

Habang ang power situation sa iba’t ibang munisipalidad ay nanatiling normal kabilang dito ang: Alitagtag, Balete, Cuenca, Lipa, Lobo, Mabini, Malvar, Mataas na Kahoy, Padre Garcia, Rosario, San Jose, San Juan, Taysan, at Tingloy.

YOU MIGHT ALSO LIKE