Las Piñas City gov’t, magtatayo ng COVID-19 lab testing center
By Hajji Kaamiño - June 30, 2020 , 1:11 pm

Plano ng Lokal na Pamahalaan ng Las Piñas na magtayo ng sariling laboratory testing center para sa coronavirus disease (COVID-19) upang mas mabilis na makuha ang resulta ng swab testing.

Ayon kay City Administrator Rey Balagulan, nais ni Mayor Mel Aguilar, na magkaroon ng testing center para agad na matukoy kung positibo sa COVID-19 ang suspect at probable cases, at magamot sa ospital sa lalong madaling panahon.

Sa liham ni Aguilar sa Department of Health, ay tinukoy nito ang lokasyon na pagtatayuan ng laboratory testing center na malayo sa mga residente upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Paliwanag ni Balagulan, kadalasang problema ng mga LGU ay ang mabagal na proseso sa tuwing nagdadala ng sample sa Research Institute for Tropical Medicine o sa Philippine Red Cross, na inaabot ng hanggang 28 araw.

Hinihintay na lamang aniya ng city government ang technical working group mula sa DOH, para inspeksyunin ang site para sa proposed facility.

Handa rin ang lokal na pamahalaan na pondohan ang pagtatayo ng laboratory testing center.

YOU MIGHT ALSO LIKE