Localized lockdown, nirekomenda ng OCTA sa NCR sa tumataas na kaso ng COVID-19
By Michael Rogas - February 26, 2021 , 9:04 pm

Inerekomenda ng OCTA Research team sa Metro Manila Council na magpatupad ng localized lockdown, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 araw-araw sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa OCTA, magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung hindi mapipigilan ng ipaiiral na localized lockdown sa NCR.

Sa latest update ng grupo, patuloy ang pagtaas ng antas ng hawaan sa Metro Manila, na umabot na sa 1.32 mula 1.22 noong February 21.

Sa kasalukuyan, may 56 na barangay at lugar na ang isinailalim sa localized lockdown sa Pasay, matapos makitaan din ng 160 percent surge sa mga bagong kaso ng virus mula February 16 hanggang 21.

Base rin sa pag-aaral ng OCTA, nakapagtala rin ng 40 percent na pagtaas sa kaso ng COVID sa Malabon, Manila, Makati, Taguig, ParaƱaque at Marikina kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa buong bansa naman, nakitaan ang Cebu City ng pinakamataas na bagong mga kaso ng COVID-19 na umaabot sa 220 kada araw, sa nakalipas na pitong araw mula February 16 hanggang 22.

Naitala ng OCTA na may 16 percent positivity rate na 21 kada 100,000 araw ang attack rate.

Ngunit kahit daw tumataas na naman ang mga nahahawaan ng virus, nasa moderate o 53 percent pa rin ang occupancy rate ng mga hospitals.

YOU MIGHT ALSO LIKE