Mandaluyong LGU, target na makapagsagawa ng 500 tests kada araw
By Merry Ann Bastasa - June 30, 2020 , 12:18 pm

Tuluy-tuloy ang ipinatutupad na Expanded COVID-19 testing sa lungsod ng Mandaluyong kung saan pati mga residente ay isinasailalim na rin sa PCR swab testing.

Sa pag-iikot kahapon ng City Health Department, aabot sa 750 na residente mula sa Block 39 at Block 40 ng Barangay Addition Hills ang isinailalim sa COVID-19 testing.

Base sa datos ng Mandaluyong, nangunguna ang Barangay Addition Hills sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan aabot sa higit 200 ang confirmed COVID cases habang 90 ang active cases.

Ayon kay Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, target nilang makapagsagawa ng 500 tests kada araw sa mga residente upang mabilis na matukoy ang mga pasyenteng kailangan nang ma-isolate at magamot.

Samantala, as of June 29 ay may 30 bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa Mandaluyong.  Aabot na ngayon sa 946 ang kabuuang bilang ng confirmed COVID cases sa lungsod kung saan 209 ang active cases.

Mayroon namang 14 na bagong recoveries, kaya sumatotal ay nasa 672 na ang kabuuang bilang ng mga nakarecover sa lungsod.

YOU MIGHT ALSO LIKE