Mayor Joy Belmonte, umaapela sa pamahalaan na huwag silang madaliin sa pamamahagi ng ayuda
By Michael Rogas - April 8, 2021 , 9:20 pm

Umapela si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pamahalaan na huwag silang madaliin o taningan ng 15 araw sa distribusyon ng ayuda o cash assistance sa kanilang mga benepisyaryo dahil malaki ang kanilang populasyon sa lungsod.

Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, iginiit ni Belmonte na hindi nila mapapanatili ang social distancing sa distribusyon ng ayuda kung mamadaliin na matapos ang ‘payout’ o pamamahagi nito.

Nabatid sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City, nagsimula ang distribusyon bandang alas- 4 ng hapon ng Miyerkules at umabot ng buong gabi, habang sa Barangay Old Balara naman ay natapos ng alas-5 ng madaling araw nitong Huwebes. 

Sa ulat, hindi umano nag-isyu ang Barangay Batasan ng listahan ng mga beneficiaries na kukuha ng ayuda sa nasabing araw, dahilan upang magdagsaan ang mga tao bago ang ‘cut-off’ kung saan ay hindi na nasunod ang social distancing.

Dahil dito, sinabi ni Belmonte na mag-iisyu sila ng stubs sa mga beneficiaries upang malimitahan ang mga tao sa 2,000 kada araw.

Samantala, pinayuhan ng QC Mayor ang mga residente na wala sa listahan na magtungo sa grievance committee ng kanilang mga nasasakupang barangay upang mapabilang ang mga ito sa mabibigyan ng cash assistance. Ang cash assistance program ay P1,000 bawat indibidwal at hindi naman lalagpas sa P4,000 kada pamilya.

YOU MIGHT ALSO LIKE