Media, mahalaga ang gagampanang papel sa COVID-19 vaccination plan ng gobyerno
By Julius Gonzales - January 26, 2021 , 9:51 pm

Muling nagsagawa ng town hall meeting ang Department of Health kaugnay sa COVID-19 Vaccination Deployment Plan.

Kabilang sa mga lumahok sa talakayan sina Health Sec. Francisco Duque, Usec. Ma. Rosario Vergeire, Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. at Health Usec. Dr. Myrna Cabotaje.

Lumahok din sa Town Hall Meeting si PIA Dir. Gen. Usec. Ramon Cualoping at kinatawan mula sa World Health Organization (WHO) na si Suzzane Kerba, upang bigyang diin ang kahalagahan ng tamang impormasyon sa publiko ngayong panahon ng pandemya.

Sa ginawang opening statement ni Usec. Vergeire, pangunahing layunin ng ginanap na town hall meeting ng DOH na palakasin ang tiwala ng publiko sa parating na bakuna, at mapawi ang pag-aalinlangan o takot ng publiko sa nalalapit na mass vaccination program ng pamahalaan.

Ani Vergeire, mahalagang papel ang gagampanan ng media, upang labanan ang kumakalat na misinformation o fake news at bigyan ng mas malalim na kaalaman ang publiko tungkol sa bakuna.

Sa mensahe ni Health Sec. Duque, sinabi ng kalihim na malayo na ang narating ng kampanya ng pamahalaan sa paglaban sa pandemya, na nagsimula noong Marso ng nakalipas na taon.

Ayon pa sa kalihim, ang tagumpay ng mass vaccination program ng gobyerno ay naka-depende sa tiwala ng taumbayan sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna, kaya’t malaking papel ang gampanin ng media, tungkol sa paghahatid ng tamang impormasyon tungkol sa bakuna.

Sa panig naman ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, walang maiiwan sa gaganaping mass vaccination ng pamahalaan.

Kritikal din ang papel ng media sa paghikayat sa malaking bahagi ng publiko na mabakunahan, at maging katuwang ng gobyerno para alisin ang anumang agam-agam sa bakuna.

Tiniyak din ni Galvez na transparent ang pamahalaan sa lahat ng transaksyon nito sa pagbili ng bakuna, at ilalahad nila ito sa publiko sa tamang panahon.

Inilahad naman ni DOH Usec. Dr. Myrna Cabotaje ang “whole nation approach” ng DOH para mabakunahan ang 50-hanggang 70-milyong Pilipino sa lahat ng panig ng bansa.

Kasama din sa tinalakay ni Dr. Cabotaje ang vaccine delivery strategy, centralized distribution and deployment, at ang isasagawang evaluation at assesssment ng DOH sa mga matuturukan ng bakuna.

Ayon naman kay Suzzane Kerba mula sa WHO, malaki rin ang responsibilidad ng media sa paghahatid ng tamang impormasyon mula sa mga health experts kaugnay sa kaligtasan ng bakuna.

Ayon kay Kerba, mahalagang ipaliwanag sa publiko ang proseso ng vaccination, ang posibleng side-effects ng bakuna, ganundin ang stages ng clinical trial ng bakuna upang mapawi ang pangamba ng publiko.

Nilinaw din ng kinatawan ng WHO na hindi isang “magic bullet” ang bakuna kaya kailangang sumunod pa rin sa health protocol.

YOU MIGHT ALSO LIKE