Mga pabayang opisyal ng barangay sa gitna ng ECQ, binalaan ng Navotas LGU
By Jesson Luis Tamondong - March 26, 2020 , 8:50 am

Pinagbibitiw ni Mayor Toby Tiangco ang mga tolonges na mga opisyal ng barangay na hindi sumusunod sa direktiba na arestuhin ang mga residente na lumalabag sa mga alintuntunin sa gitna ng nagaganap ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Patuloy pa rin kasi sa pagtambay o paglabas ng ilang mga residente sa kabila ng maigting na panawagan na manatili sa loob ng kanilang mga bahay upang maiwasan ang COVID-19.

Sa pinakahuling tala ng pamahalaang lungsod, umabot na sa 269 ang bilang ng mga nakasuhan matapos lumabag sa quarantine measures ngunit ayon sa alkalde ay kakaunti ito dahil hindi lahat ng mga lumabag sa mga barangay ay dinadala sa presinto ng pulis.

Ayon kay Tiangco, kailangan manguna ng mga person in authority gaya ng opisyal ng barangay sa pag-aresto sa mga sumusuway sa quarantine dahil isa itong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at kung hindi magagawa ay mas mainam na magbitiw na lamang ang mga ito sa pwesto.

Samantala, hanggang ngayong ay wala pa ring naitatalang kaso ng COVID-19 sa Navotas, may 101 Person Under Monitoring, 13 ang Person Under Investigation, habang 55 naman ang na-clear na.

YOU MIGHT ALSO LIKE