Mga pulis na sangkot sa misencounter sa QC, nasa NBI na
By Lorenz Tanjoco - March 5, 2021 , 3:06 pm

Nasa National Bureau of Investigation (NBI) na ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Special Operations Unit.

Ang kanilang paglantad ay pagsunod sa inisyung subpoena ng NBI, dahil sa kanila umanong partisipasyon sa naganap na “misencounter” sa Commonwealth Avenue, Quezon City, noong February 24, na kinasasangkutan din ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Inaasahang sasalang sila sa mga pagtatanong ngayong araw, sa opisina ni NBI-NCR Regional Director Cesar Bacani.

Dala na rin nila ang mga affidavit, hinggil sa naganap na engkwentro na ikinamatay ng limang indibidwal.

Kahapon, nauna nang nagtungo ang mga pulis sa NBI, subalit hindi natuloy ang pagtatanong sa kanila dahil hindi nakarating ang kanilang abugado.

Hindi bababa sa 20 mga tauhan ng QCPD ang dumating sa NBI, pero hindi muna sila nagpaunlak ng panayam sa media, at sa halip ay magpapaliwanag na lamang muna sa NBI.

YOU MIGHT ALSO LIKE