Mga senior citizen na mayroong malubhang sakit, posibleng hindi mapabilang sa mga makatatanggap ng Sinovac vaccines
By Racquel Bayan - April 8, 2021 , 9:26 pm

Posibleng hindi kabilang sa mga mabibigyan ng Sinovac vaccines ang mga senior citizen na mayroong malubhang karamdaman.

“Kung mayroon po talagang malubhang sakit, hindi po maaari iyan.” paglilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo.

Ito ang sinabi ni Usec. Domingo, makaraang aprubahan ng FDA ang pagpapagamit ng Sinovac COVID-19 vaccines sa mga nakatatanda na nasa edad 60 pataas.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Usec. Domingo na kung mayroong acute illness, uncontrolled hypertension, o hypertensive emergency ang isang nakatatanda, maaaring maging grounds ito upang i-exclude ang mga ito sa listahan ng mga tuturukan ng Sinovac vaccine.

“Well katulad po ng ibang mga sakit, iyong talagang kung mayroon kang acute illness, ang gusto rin po nating bantayan iyong mga may high blood kung talagang uncontrolled hypertension halimbawa or mayroon kang hypertensive emergency, hindi po kayo puwedeng bakunahan.” giit ni Usec. Domingo.

Ayon kay Usec. Domingo, titingnan muna ang mga senior citizen sa vaccination site bago bakunahan ang mga ito.

At ang Department of Health (DOH) aniya ay maglalabas ng malinaw na guidelines para sa screening ng mga nakatatanda.

“So titingnan naman po kayo during the actual vaccination. During the actual vaccination, ang DOH po ay gagawa ng guidelines kung paano po iyong screening ng mababakunahan.” pahayag ni Usec Domingo.

YOU MIGHT ALSO LIKE