Mga taga-Metro Manila, ‘di na dapat nakikipagsabayan sa pagbili ng N95 face mask – DOH
By Racquel Bayan - January 14, 2020 , 10:29 pm

Nakikiusap ang Department of Health (DOH) sa mga taga Metro Manila na huwag nang makipag-agawan pa ng suplay ng N95 face mask sa mga residenteng malapit sa bulkang Taal na talagang nangangailangan nito.

Sa press briefing ng Laging Handa sa Malacañang, ipinaliwanag ni Health Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, ang N95 ay para sa mga residente ng mga lugar na pinakaapektado ng ashfall tulad sa Batangas at Cavite.

Bukod sa pagkonti ng suplay ng N95 dahil sa pag panic buying ng mga taga Metro Manila, nakakapagtala na rin aniya sila ng mga nagho- hoard ng suplay ng face mask.

Nananawagan si Asec. Laxamana sa publiko, na ipaubaya na ang mga N95 face mask sa mga mas nangangailangan nito.

Maaari naman aniyang gumamit ng regular surgical mask ang mga taga Metro Manila lalo’t hindi naman grabe ang abo na nakakarating dito.

Sa kasalukuyan, tinututukan aniya ng DOH ang mga taga Laguna at Quezon, lalo’t base sa projection ng PAGASA ay doon ang direksyon ng hangin kaya’t mayroong posibilidad na sa mga nabanggit na lugar magkakaroon ng ashfall.

YOU MIGHT ALSO LIKE