!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Mga tauhan sa Senado, nagpositibo sa COVID-19
By Nimfa Asuncion - March 27, 2020 , 11:08 pm

Kinumpirma ngayon ni Senate Sec. Atty. Myra Marie Villarica na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang isang consultant ni Senadora Pia Cayetano at isang staff ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

Sa isang pahayag, sinabi ni Villarica na ang babaeng consultant ni Senadora Cayetano ay huling nagtungo sa Senado noong March 11 at hindi rin ito dumalo sa special session noong March 23.

Iba pa aniya ang consultant na ito sa isa ring babaeng staff ni Cayetano na una nang napaulat na positibo sa COVID-19 kahapon.

Samantala, ang lalaking staff naman ni Senador Revilla ay naka-confine na sa isang ospital sa Imus, Cavite mula pa noong March 22 dahil sa pneumonia.

Wala aniya itong travel history at wala ring naging contact sa sinumang COVID-19 positive patient.

Huli aniya itong nagtungo sa Senado noong March 16 para kumuha ng sweldo.

Ayon kay Villarica, nagsasagawa na sila ngayon ng contact tracing at patuloy ang kanilang pakikipag ugnayan sa opisina ng dalawang senador.

Patuloy namang nagpapaalala ang pamunuan ng Senado sa lahat ng kanilang mga empleyado na sumunod sa mga inilatag na protocol ng pamahalaan dito sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.

YOU MIGHT ALSO LIKE