!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
P10-B ginastos noon sa APEC, nabanggit ni Speaker Cayetano sa gitna ng usapin sa P50-M cauldron
By Racquel Bayan - November 21, 2019 , 10:13 pm

Nabanggit ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang P10-bilyong pisong pondo na ginastos ng Aquino administration para sa pagho-host ng Pilipinas sa APEC Summit noong 2015, sa gitna ng usapin ngayon sa kinukwestyong P50-million peso na cauldron, o ‘yung magsisilbing torch para sa pagbubukas ng SEA Games sa ika-30 ng Nobyembre.

Sa isang event sa Taguig sinabi ni Speaker Cayetano, na siya ring tumatayong pinuno ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), noong kasagsagan ng paghahanda para sa APEC, nakiusap aniya ang dating Pangulo sa kaniya na huwag na munang mag-ingay o bumatikos sa nabanggit na budget bago at habang ginaganap ang APEC, dahil masisira ang Pilipinas sa international media.

Kung tutuusin aniya ay nasa 10 libong classrooms na ang magagawa sa halagang ito. At hindi tulad ng cauldron na permanente nang nasa bansa, ang pinondohang APEC noon ay pansamantala lamang.

Sinabi ni Cayetano na sana ay hinintay rin muna ni Senator Franklin Drilon ang December 12 o ang pagtatapos ng South East Asian Games bago bumatikos sa kinukwestyon ngayong cauldron.

Sinabi nito na wala namang mawawala kung hinintay muna ng mga kritiko na matapos ang SEA Games, dahil ang nangyayari sa kasalukuyan ay sinisiraan natin ang ating sarili sa harap ng ibang mga bansa.

Bukod dito, makakaapekto rin aniya ito sa mga atletang lalaban sa SEA Games dahil sa halip na naka-focus na lamang sila sa kanilang mga laban ay mapapaisip pa aniya ang mga ito kaugnay sa mga kwestyon at batikos na iniuugnay sa SEA Games.

YOU MIGHT ALSO LIKE