₱2-M halaga ng iligal na droga, nasabat ng Bureau of Customs-NAIA sa Pasay City
By Hajji Kaamiño - June 30, 2020 , 11:42 am

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasa ₱2-milyong pisong halaga ng ecstasy tablets at marijuana sa Pasay City.

Ayon kay NAIA Customs District Collector Carmelita Talusan, tatlong magkakahiwalay na parcels ang nasabat sa Central Mail Exchange Center na naglalaman ng iligal na droga.

Ang unang parcel ay idineklarang regalo at laruan na naglalaman ng 500 gramo ng raw ecstasy na ipinadala ng isang Bram De Lang mula sa The Netherlands at naka-consign sa isang Mark Chavez ng Park Avenue Mansion, Pasay City.

Bukod dito ay mayroon ding 547 grams ng high grade marijuana ang padala mula sa Germany.

Ang ikalawang parcel na idineklarang “adult toys” ay naglalaman ng mahigit-kumulang 28 grams ng kush marijuana at walang shipper’s name ngunit nagmula sa United Kingdom at naka-consign sa address na Harvard Street, Provident Village, Marikina City.

Samantala, ang ikatlong parcel na naglalaman ng tinatayang 500 gramo ng ecstasy tablets ay walang deklarasyon at detalye ng nagpadala pero naka-consign sa isang Ken Kenneth Rosales ng Mabolo, Cebu City.

Sinabi pa ni Talusan na ngayong taon ay umabot na sa 25 ang operasyon ng BOC-NAIA laban sa iligal na droga habang mula 2018 ay mahigit 80 na ang napagtagumpayang drug busts.

YOU MIGHT ALSO LIKE