P4.5 trillion 2021 General Appropriations Bill, aprubado na sa Kamara
By Kathleen Jean Forbes - October 16, 2020 , 8:13 pm

Sa botong 257 affirmative 6 negative 0 abstention ay tuluyan nang pinagtibay ng Kamara sa third at final reading ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill sa huling araw ng special session ng Mababang Kapulungan.

Mula noong Oktubre 13 ay magdamag na tinapos ng mga kongresista ang pagtalakay sa naiwang mga departamento kasunod ng muling pagbubukas sa period of debate and interpellation ng panukalang pambansang pondo.

Bumuo naman ng isang small committee ang Kamara na tatanggap ng individual amendments ng mga kongresista na kailangan maisumite ng hanggang October 19.

Ipapasa ng Kamara sa Senado ang soft copy ng approved 2021 GAB sa October 28 alinsunod na rin sa hiling ng mataas na kapulungan bilang paghahanda naman sa kanilang deliberasyon sa November 9.

Ang proposed P4.506-trillion 2021 national budget ay mas mataas ng 9.9% kumpara sa P4.1-trillion budget ngayong 2020.

Pinakamalaking bahagi ng 2021 budget ay mapupunta sa Personnel Services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32-trillion kung saan dito kukunin ang alokasyon para sa dagdag na hiring ng mga healthcare workers, second tranche ng Salary Standardization Law, at dagdag na pensyon para sa mga retired uniformed at military personnel.

Nakapaloob din sa pambansang pondo ang mga stimulus para sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 at ang P2.5-billion na pambili ng COVID-19 vaccine.

Pinakamataas na pondo pa rin ang sektor ng Edukasyon kasama ang DepEd, CHED, SUCs at TESDA, na sinundan ng DPWH, DILG, DND, DOH, DSWD, DOTr, DA, Judiciary at DOLE.

YOU MIGHT ALSO LIKE