Pagiging eksklusibo ng Sinovac COVID-19 vaccine sa bansa hanggang sa Hunyo, kinuwestiyon
By Nimfa Mae Asuncion - January 13, 2021 , 9:37 pm

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo Lacson ang pahayag ng gobyerno na tanging ang Chinese-made Sinovac COVID-19 vaccine lamang ang magiging available sa Pilipinas hanggang sa June 2021.

Giit ni Lacson, dapat ay gawin rin ng pamahalaan sa pagbili nila ng bakuna ang naunang pahayag ng tagapagsalita ng Malakanyang na hindi dapat maging mapili sa brand ng COVID-19 vaccine.

Kaya naman, dapat aniyang bilisan na ng gobyerno ang procurement ng lahat ng mga kwalipikadong COVID-19 vaccine na available sa merkado.

Ipinunto ng senador na magkakaroon ng five months headway ang Sinovac laban sa ibang brand ng bakuna dahil sila lang umano ang magiging available sa Pilipinas mula sa Pebrero hanggang Hunyo ng taong ito. Iyan ay kahit pa aniya wala pa silang Emergency Use Authorization (EUA).

Kinuwestiyon rin ng mambabatas kung bakit tila ito ang pinapaboran sa kabila ng pagkakaroon lamang ng Sinovac ng 50-70 percent efficacy rate, lamang pa sa Sinopharm na mayroon namang 79-86 percent efficacy rate at ginagamit na ngayon sa United Arab Emirates.

Pangalawa rin aniya sa pinakamahal na bakuna ang Sinovac na magkakahalaga ng 3,629 pesos sa kada dalawang dose.

YOU MIGHT ALSO LIKE