!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Paglalagay ng mga dashcam, GPS sa lahat ng sasakyan, isinusulong sa Kamara
By Kathleen Jean Forbes - September 12, 2019 , 7:37 am

Naghain si Iligan Representative Frederick Siao ng isang panukala para sa mandatory na paglalagay ng dashcams at GPS device sa lahat ng uri ng sasakyan.

Sa ilalim ng House Bill 4475 o ang “Motor Vehicle Digital and Electronic Recording Systems For Road Safety And Security Act” ay oobligahin na ang mga may-ari ng behikulo, pribado man o public utility maging ang mga motorsiklo at tricycle na maglagay ng camera.

Bukod naman sa dashcam, kailangan rin lagyan ng digital camera sa loob ng mga pampublikong sasakyan upang makita kung ano ang nangyayari sa mga pasahero.

Nakapaloob din sa panukala na sa  pagpapatupad ng nasabing panukala ay gagawin namang mandatory sa mga motor vehicles manufacturer na ang lahat ng ibebenta nitong sasakyan ay mayroon nang dashcams at GPS.

Ayon kay Siao, sa tulong ng mga kamera ay maaari itong gamiting ebidensya sa mga krimen o kaya’y paglabag sa batas-trapiko.

Pagtiyak naman ng mambabatas na hindi maaabuso o magagamit sa iba ang video recording na makukuha sa mga sasakyan dahil ipinagbabawal na ipost ito sa social media maliban lamang sa insidente na nagkaroon ng road safety issue, traffic situationer o krimen.

YOU MIGHT ALSO LIKE