Pagpapalakas sa Cybercrime Investigation and Coordination Center, itinutulak ng isang mambabatas
By Kathleen Forbes - September 16, 2020 , 3:03 pm

Isinusulong ni Deputy Speaker Dan Fernandez na dagdagan ang pondo ng Cybercrime Investigation and Coordination Center, sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalakas ang pagtugon ng bansa sa cyber crimes.

Ayon kay Fernandez, sa halos limang libong cyber crime complaints ay 6.7 percent lang dito ang naihain sa korte.

Dagdag naman ng bagong talagang Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordination Center na si Usec. Cezar Mancao, sa naturang bilang 15 lamang ang nagkaroon ng conviction na idinaan pa sa plea bargaining batay sa datos ng Philippine National Police Cybercrime Division.

Aminado si Mancao, na limitado ang kanilang kakayanan sa ngayon, dahil sa kabila na walong taon na ng maitatag ang kanyang division ay ngayon lang nakapagtalaga ng pinuno para dito.

Bukod pa ito aniya sa kakulangan sa kagamitan at tauhan.

Sa ilalim ng proposed budget ng DICT sa susunod na taon, P11.760 million lamang ang pondo ng Cybercrime Investigation and Coordination Center.

Kabilang naman sa mga programa at proyekto na nais nilang maipatupad, ay ang pagkakaroon ng cybercrime and threat operations center, cybercrime detection platform at cybercrime data fusion form.

YOU MIGHT ALSO LIKE