Pagpapatigil ng Red Cross sa processing ng swab samples, malaking dagok sa testing capacity
By Hajji KaamiƱo - October 16, 2020 , 8:54 pm

Sinisikap na ng pamahalaan na ayusin ang problema sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), matapos itigil ng Philippine Red Cross (PRC) ang processing ng swab samples para sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, sa nakalipas na mga araw ay patuloy ang negosasyon para muling makuha ang serbisyo ng PRC lalo at inihayag na ng PhilHealth na handa nitong bayaran ang pagkakautang.

Malaking dagok aniya sa testing capacity ng bansa ang pagtigil ng operasyon lalo at 25 hanggang 30 percent ng 46,000 tests kada araw ay ipinoproseso ng Red Cross.

Dahil dito, iginiit ng opisyal na asahan na ang pagbagal ng testing output sa mga susunod na araw, dahil kritikal ang partisipasyon ng organisasyon sa mga kaso sa Metro Manila at repatriated overseas Filipino workers.

Subalit nilinaw ni Dizon, na sa kabila nito ay hindi titigil ang COVID-19 testing at ang samples ay dadalhin na sa 145 laboratories ng gobyerno, kasama ang Research Institute for Tropical Medicine at Lung Center of the Philippines para sa NCR.

Itinuturing umanong administrative issue ang problema, at batid nitong kailangan ng operational funds ng PRC, pero inaayos na ang documentation para sa settlement ng P930 million na utang ng state insurance agency sa nagdaang COVID-19 tests.

Una nang sinabi ng PRC, na tatanggap pa rin sila ng specimens mula sa mga indibidwal na nag-book ng testing sa kanilang hotlines, pribadong kumpanya at organisasyon, at local government units at government agencies, na may testing agreement sa kanila at updated ang payment.

YOU MIGHT ALSO LIKE