!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pagprotekta sa karapatan ng mga LGBT, muling binigyang-diin ni Senator Marcos
By Nimfa Asuncion - August 14, 2019 , 4:43 pm

Nais ni Senator Imee Marcos na mas mapalawak pa ang acts of discrimination laban sa mga miyembro ng LGBT community na mapaparusahan ng batas.

Ito ay matapos ang nangyaring pag-aresto at pagposas sa isang transgender woman na gumamit ng CR na pambabae sa isang mall sa Cubao.

Ayon kay Marcos, sa ilalim ng inihain niyang Senate Bill 412 o ang panukalang Anti-discrimination Act, kabilang sa discriminatory acts na maaaring patawan ng parusa ng batas ang harrassment ng mga law enforcer sa mga LGBT member.

Nakasaad rin sa panukala ang pagkakaroon ng mga gender-neutral toilets, upang maiwasan ang ganitong uri ng pamamahiya sa mga LGBT members.

Gayundin ang hindi pagtanggap sa isang bata sa isang paaralan dahil sa sexual orientation ng kanyang magulang o guardian, pagpigil sa isang bata na ipahayag ang kanyang gender identity, pagbawal na mag- trabaho sa public service, at pagbunyag ng sexual orientation ng isang indibidwal nang walang pahintulot.

Sa ilalim ng panukala, ang sinumang mapapatunayang guilty ay mapapatawan ng multang hindi bababa sa P100,000 o pagkakakulong ng mula isa hanggang anim na taon.

Giit ni Marcos, dapat tayong magkaroon ng pantay na pagtingin at pagtanggap sa mga miyembro ng LGBT community.

Karapatan aniya ng mga ito na magkaroon ng buong partisipasyon sa komunidad.

YOU MIGHT ALSO LIKE