Palasyo, tiwalang hindi mamimili ang mga nasa priority list ng vaccination program sa brand ng bakunang kanilang tatanggapin
By Racquel Bayan - January 14, 2021 , 11:46 pm

Naniniwala ang Palasyo na magpapaturok ng COVID-19 vaccine ng Sinovac ang mga nasa priority list ng gobyerno na maturukan ng bakuna sa oras na gumulong na ang National Vaccination Program ng pamahalaan.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang tanungin kung nangangamba ba ang gobyerno na maraming Pilipino ang tatanging tumanggap ng SInovac, at maghihintayin na lamang sa pagdating ng iba pang bakuna.

Ayon kay Secretary Roque, tulad ng sinabi ng mga Dr. Edsel SalvaƱa, Director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institute for Health ng University of the Philippines-Manila, agad magpapaturok ang mga medical frontliner dahil mataas ang risk nila na mahawa ng virus.

“Basta nandiyan po ang approval ng FDA na iyan ay ligtas at epektibo, hindi po sila nagdadalawang-isip na magpabakuna.” ani Secretary Roque.

Para naman aniya sa mga senior citizen, walang dapat na ikatakot ang mga ito dahil sa China, ang Sinovac, noong una ay limitado lamang para sa mga nakatatanda, kaya’t subok na ito.

“Ang unang license po ng Sinovac sa Tsina ay para sa matatanda eh bakit mag-aalinlangan ang mga matatanda, eh sa Tsina nga mismo, iyan lang ang aprubado para sa mga matatanda, noong una.” ayon kay Secretary Roque.

Kaugnay nito, muling umapela an kalihim na magtiwala sa pamahalaan at sa Food and Drug Administration (FDA).

YOU MIGHT ALSO LIKE