Pamamahagi ng ayuda para sa mga guro sa ilalim ng Bayanihan 2 law, pinamamadali
By Nimfa Mae Asuncion - February 23, 2021 , 10:21 pm

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) na agaran nang ipamahagi ang ayudang inilaan ng Bayanihan to Recover As One Act (Republic Act 11494) o Bayanihan 2 sa mga guro at non-teaching staff na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, sa ilalim ng Bayanihan 2 ay mayroong P300 million na nakalaan bilang one-time cash assistance sa mga teaching at non-teaching personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya, high school, at kolehiyo. 

Kasama rin sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga part-time na guro sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na nawalan ng trabaho o kaya ay hindi nakatanggap ng kanilang sahod.

Giit ng senador, dapat nang makipagtulungan ang DOLE sa Department of Education at Commission on Higher Education upang maisapinal na ang mga pamantayan sa pamamahagi ng ayuda at maiwasan ang parehong suliraning naranasan sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Matatandaang Setyembre 2020 naisabatas ang Bayanihan 2 law at pinalawig na rin ang pagiging epektibo ng mga pondo dito hanggang sa Hunyo 2021.

YOU MIGHT ALSO LIKE