!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pangamba sa posibleng pang-eespiya ng China sa pamamagitan ng 3rd TELCO player, pinawi ng AFP
By Leo Sarne - September 12, 2019 , 10:54 am

Pinawi ni AFP Chief of Staff Benjamin Madrigal ang panganib sa posibleng pang-eespiya ng China sa pamamagitan ng 3rd Telco player, na bahaging pag-aari ng China Telecom.

Ayon sa AFP chief, batid ng militar na laging may panganib sa pang-eespiya sa lahat ng pasilidad ng komunikasyon, at may mga kaukulang hakbang na isinasagawa ang AFP para kontrahin ito.

Ang pahayag ay ginawa ng AFP chief matapos lumagda ang AFP sa isang kasunduan, na magpapahintulot sa Dito Telecommunity, na dating Mislatel, na maglagay ng cell sites sa mga kampo ng militar.

Ang Dito Telecommunity, na consortium ng Udenna Corporation, Chelsea Logistics at China Telecommunications, ang pinahintulutan ng pamahalaan na maging 3rd major telecommunications player sa bansa, na makikipagkumpitensya sa Globe at Smart.

Ayon kay Madrigal, ang kasunduan sa pagpapahintulot sa Mislatel na maglagay ng kanilang cell sites sa mga kampo ng militar ay katulad din ng “accommodation” na ibinibigay ng AFP sa Smart at Globe, at hindi naman makakaapekto sa mga operasyon ng AFP.

Ang kasunduan ay nilagdaan kahapon sa Camp Aguinaldo ni Major General Adrian Sanchez Jr., Deputy Chief of Staff for Communications, Electronics, and Information Systems (CEIS), J6; at Atty. Adel Tamano, Chief Administrative Officer ng MISLATEL, na inendorso sa AFP Chief para aprubahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

YOU MIGHT ALSO LIKE