Panukalang magbibigay proteksyon sa mga food delivery rider mula sa mga bogus buyer, tinalakay sa Senado
By Nimfa Mae Asuncion - February 23, 2021 , 10:43 pm

Tinalakay na ng Senado ang panukalang batas na layong protektahan ang mga food at grocery delivery rider mula sa mga mapang-abuso at mapanlinlang na mga customer.

Ayon kay Senador Lito Lapid, na siyang may-akda ng Senate bill 1677 o ang panukalang Food and Grocery Delivery Services Protection Act, panahon na upang aksyunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga kaso ng pagkakansela ng mga food deliveries na sinasalo naman ng mga rider.

Bilang tugon, sinabi naman ng DTI na mayroon nang public advisory ang ahensya patungkol sa ganitong mga “no show” buyers.

Dapat aniyang tiyakin ng mga rider na i-screenshot ang mga mensahe at tawag ng buyer na ito at maaari nila itong isumplong sa DTI.

Unti-unti na rin umanong tinugunan ng delivery service na Grab ang ganitong kaso sa pamamagitan ngg pagpapatupad ng polisiyang hindi na kailangang mag advance payment ng mga rider para sa order ng mga customer.

Ang Food Panda naman ay hindi aniya nanghihingi ng advance payment mula sa kanilang mga rider at diretso lamang napupunta sa mga merchant stores ang bayad ng kanilang mga customer.

YOU MIGHT ALSO LIKE