PCG, tuloy ang pag asiste sa mga biktima ng bagyong Auring
By Lorenz Tanjoco - February 26, 2021 , 8:42 pm

Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na tuloy-tuloy ang pagtulong at pagbibigay ng relief goods sa mga residente ng Surigao, na naapektuhan ng bagyong Auring kamakailan.

Batay sa pinakahuling update ng PCG, nakadaong na sa Surigao Port ang BRP Gabriela Silang at ang BRP Malapascua, na kapwa nagsasagawa ng relief supplies transport mission.

Sinabi ng PCG, na ang mga karagdagang relief supplies ng dalawang barko ay para sa apektadong lugar ng Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Ayon sa PCG, ang kanilang misyon ay may koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Katuwang din dito ang mga pribadong organisasyon, gaya ng Kapuso Foundation Incorporated, na nagkaloob ng food packs para sa mga nasalanta ng bagyong Auring.

Nauna nang nagpasalamat si PCG Commandant, Admiral George Ursabia Jr., sa iba’t ibang sektor na sumusuporta sa relief transport mission ng BRP Gabriela Silang at BRP Malapascua.

Bukod sa dalawang barko, mayroon ding aerial assets at iba pang kagamitan ang PCG, na tumutulong sa disaster response, relief operations, at humanitarian assistance.

YOU MIGHT ALSO LIKE