Period of interpellation ng Senado sa 2021 General Appropriations Bill, tapos na
By Nimfa Mae Asuncion - November 21, 2020 , 11:36 am

Natapos na ng Senado ang period of interpellation nito para sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) o ang ₱4.5-trillion pesos na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.

Pasado alas-12 ng madaling araw kanina natapos ng mga senador ang deliberasyon sa panukalang pondo ng lahat ng ahensya at mga opisina ng gobyerno.

Matatandaang simula nitong Lunes ay nagsasagawa na ng marathon hearing ang Mataas na Kapulungan para matapos agad ang pagtalakay nila sa panukalang pondo at matiyak na makakaabot ito kay Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang taon.

Sa pagtatapos ng period of interpellation, pinaalalahanan naman ni Senate Finance Committee Chair Senador Sonny Angara ang kanyang mga kasamahan na ang deadline ng kanilang individual ammendments ay hanggang sa linggo ng gabi lamang.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na posibleng maaprubahan na nila sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang GAB sa Martes, November 24.

Base sa napagkasunduang schedule ng Kongreso hinggil sa pagpapasa ng 2021 proposed national budget, target na isagawa ang Bicameral Conference Committee meeting mula November 28 hanggang December 3.

Dito pagkakasunduin ang magkakaibang probisyon ng Kamara at Senado sa budget bill.

Sa December 9 naman target na mapirmahan ang Bicameral Conference Committee Report at sa December 16, planong mapirmahan na ng mga lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang enrolled bill at opsiyal na maisumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.

YOU MIGHT ALSO LIKE