!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
PNP Chief Albayalde, nilinaw na ‘di niya tauhan si Maj. Baloyo
By Nimfa Asuncion - October 9, 2019 , 4:14 pm
Nilinaw ni PNP Chief General Oscar Albayalde na hindi niya tauhan at hindi niya bitbit sa Pampanga Provincial Police Office (PPO) si Major Rodney Baloyo.
Sinabi ito ni Albayalde, upang linawin ang persepsyon ng ilan na tao niya at dinala sa Pampanga si Baloyo nung siya ay naging provincial director ng Pampanga noong 2013.
Sa ika-siyam na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw, partikular sa isyu ng pagkakaroon ng ninja cops sa hanay ng PNP, ipinaliwanag ni Albayalde ang kanyang panig.
Aniya, dinatnan na lang niya doon sina Baloyo sa Pampanga PPO.
Nang mangyari aniya ang insidente ay kabilang siya sa  mga naimbestigahan at hindi naman siya isinama sa anumang kasong administratibo o kriminal.
Samantala, sa pag-uumpisa ng pagdinig ay ipina-contempt at pinaaresto na ng komite si SPO1 Ronald Bayas.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ilang beses nang iniimbitahan at ipina-subpoena ng komite sa pagdinig si Bayas ngunit hindi pa rin ito dumadalo.
Isa si Bayas sa labintatlong pulis Pampanga na tinataguriang ‘ninja cops’ dahil sa pagrerecycle ng higit isandaang kilong ilegal na droga, na nakumpiska nila sa isang buy-bust operation noong November 2013.
YOU MIGHT ALSO LIKE