Posibilidad na napaglaruan ng mga sindikato ang mga operatiba ng PNP at PDEA, hindi isinasantabi ni Sen. dela Rosa
By Nimfa Mae Asuncion - February 26, 2021 , 8:04 pm

Sang-ayon si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na posible ngang napaglaruan ng mga sindikato ang pambansang pulisya at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaya nagkaroon ng misencounter noong Miyerkules ng gabi.

Sa isang panayam, sinabi ni dela Rosa na isa ito sa mga teorya na maaaring ikonsidera sa pag-iimbestiga sa naturang insidente

Ayon sa senador na chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, maaaring bahagi ng isang sindikato ang isa sa mga informants o asset na hiningan nila ng tulong at ginawan ng paraan para magkaroon ng bakbakan sa pagitan ng PNP at PDEA operatives.

Posible aniyang umaasa ang mga sindikato na sa pamamagitan ng sagupaang ito ay ipag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil muna ang kanilang mga drug operations at ayusin muna ang koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya

Kapag nangyari ito, magkakaroon na sila ng oportunidad na ipagpatuloy ang kanilang mga illegal drug operations.

Bukod sa anggulong ito, hindi rin isinasantabi ni dela Rosa ang posibilidad na may sangkot dito na isang tiwaling opisyal ng PNP o PDEA.

Gayunpaman, sa ngayon ay hihintayin muna aniya ng senador na isumite ng PNP sa Senate committee on public order and dangerous drugs ang resulta ng imbestigasyon ng binuo nilang board of inquiry.

Sa Martes, Marso 2, magsasagawa ng Senate inquiry ang komite na pinamumunuan ni dela Rosa tungkol sa naturang insidente.

YOU MIGHT ALSO LIKE